Saturday, April 21, 2012
Plastik
Sando bag. Plastic cover. Divisoria bag. Plastic container. At maraming iba pang uri ng plastik ang ginagamit sa iba't-ibang gawain ngayon. Nakakatulong ito, lalo na sa pagbibitbit ng mga gamit, pambalot ng mga kagamitan o kaya naman ay bilang isang sisidlan ng mga bagay-bagay. Ngunit tulad ng ibang kagamitan, may masamang aspeto rin ang plastik na maaaring tayo rin ay maapektuhan. Naipit sa imburnal, nagdulot ng baha. Nakain ng walang kamuwang-muwang na mga isda sa dagat, nagsimatayan. Ilan lang ito sa mga katangian ng isang plastik bilang isang bagay. Ngunit kung ang aspeto ng pagiging plastik ay nilagay natin sa kontekstong katauhan, isang ideya lang ang madalas na naiisip ng karamihan dito: Isang taksil. Isang hunyango. Isang manloloko.
Siguro naman, karamihan sa atin ay ayaw sa taong, kung tawagin nang iba ay, plastik. Sila ang mga taksil sa iba. Nakikihalubilo sa karamihan ngunit taliwas ang ginagawa sa karamihan. Tila ba'y isang hunyango na nakikiramdam sa paligid nito. Ngunit naisip rin ba natin na tayo man ay naging isang plastik na rin para sa ibang tao? Nakakabagabag isipin ngunit totoo. Kahit nga para sa sarili mo, pwede ring maging isa kang plastik. Paano kamo? Pagiging taksil sa mga ideyolohiyang pinanghahawakan mo. Siguro to save face ang ginagawa mo pero kung sa tingin mo ay tama ang pinaniniwalaan mo, ipaglalaban mo ano pa man ang maaaring kahantungan nito. Sige nga, alalahanin mo. Kailangan ka huling nagkaganito sa sarili mo? Tinakwil mo na ba noon ang pinanghahawakan mo para lang maging isa sa mga kasama mo? Ika nga sa isang sikat na noontime variety show, "Esep-esep!"
Labels:
confused,
distracted,
drama,
haywire,
mainit talaga,
nagdadrama,
rants,
summer heat
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment